Executive patay sa sagasa

Pisak ang ulo ng isang 56-anyos na executive matapos na masagasaan at magulungan ito ng isang pampasaherong bus habang papasok sa kanyang opisina, kahapon ng umaga sa Makati City.

Nakilala ang nasawi na si Anacleto Lontoc, ng Lot 18 Block 2, Phase 3, Adelina 3 Complex, Santo Tomas, Biñan, Laguna. Si Lontoc ay assistant accountant ng Dominican Travel Agency sa Tuscany Tower, Ayala Avenue, Makati City. Agad namang sumuko ang nakasagasa na si Novelson Flores, 36, driver ng Fermina Transit na may plakang TYR-525.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang trahedya dakong alas-8 ng umaga sa harapan ng opisina ng nasawi sa kahabaan ng Ayala Avenue. Tumatawid ang biktima sa pedestrian lane nang bigla na lamang sumulpot ang rumaragasang bus na minamaneho ni Flores. Huli na bago nakontrol ni Flores ang preno ng sasakyan kaya tuluyan nitong nasagasaan ang biktima. Nagulungan ang ulo nito na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan. (Lordeth Bonilla)

Show comments