Apat na parating na international flights ang CX 901, CX 906, BR 271, EK 561 at OZ 701 at labintatlong domestic flights ang naglanding sa Clark International Airport dahil hindi madaanan ang runway sa NAIA, samantalang habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakakaalis ang apat na international flights.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni MIAA general manager Alfonso Cusi, nangyari ang insidente dakong alas-11 ng umaga kahapon. Nasa kalagitnaan ng Runway 06-24 ang Cebu Pacific flight 5J 627 patungong Dumaguete City at nakatakda sanang mag-take-off nang biglang sumabog ang dalawang gulong sa kaliwang bahagi sa likuran.
Minabuti ni Capt. Jesus Taneo, piloto ng eroplano na ipahila na lamang ang sasakyan sa Fire and Rescue Team upang hindi makaabala sa iba pang eroplano at upang hindi na lumaki ang damage sa eroplano.
Iniimbestigahan naman ngayon ng pamunuan ng Cebu Pacific ang insidente upang mabatid kung may kapabayaan sa nangyari. (Butch Quejada)