Ayon sa tanggapan ng Public Order and Safety Management Office (POSMO) ng Valenzuela City, mas nanaisin pa nilang kasuhan ng MMDA sa paglabag ng kautusan ng nasabing tanggapan kesa sa bumaho ang buong lungsod kapag isinara ang open dumpsite.
Ang kakapusan din umano ng budget ay isa sa mga dahilan ng hindi pagsunod ng Valenzuela City sa MMDA.
"We do not want the dumpsite to be closed because of the high maintenance cost... the actual closure needs millions of money and the city has no budget for that," pahayag ni Roberto Darilag, hepe ng POSMO.
Nabatid na isang kautusan ang ipinalabas ng MMDA para sa lahat ng lokal na pamahalaan ng Metro Manila na isara ang lahat ng open dumpsites sa kanilang kinasasakupan simula noong Pebrero 16, 2006 at sundin ang Ecowaste Law na nag-uutos sa pansamantalang pagsasara ng mga open dumpsites sa loob ng anim na taon.
Napag-alaman na ang 11 ektaryang open dumpsites ng Valenzuela City ay makikita sa Barangay Lingunan ng nabanggit na lungsod at ang nasabing lote ay isang private property.
Mas nakakatipid umano ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City sa paggamit ng naturang dumpsites kesa sa pagdadala ng kanilang mga basura sa mga sanitary landfills tulad ng Rodriguez at Clark sa Pampanga. (Rose Tamayo Tesoro)