Kinilala ni NPD Director Police Chief Supt. Leopoldo Bataoil ang biktima na si PO3 Maximo Ramos de Mesa, may-asawa, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Valenzuela City Police at residente ng #4347 I. Bernardino St., Brgy. Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Batay sa ulat ng NPD, dakong alas-12:30 ng tanghali nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng kanyang sister-in-law na si Cherryl Javellana.
Sinabi pa ni Javellana na ang pagkakatagpo nito sa bangkay ng biktima ay bunga ng pag-alingasaw ng masansang na amoy na unang inakala nito na nagmumula lamang sa isang patay na daga.
Labis umanong namangha si Javellana nang bumulaga sa kanyang paningin ang naaagnas na bangkay ng biktima nang suriin nito ang pinanggalingan ng masansang na amoy sa loob ng bahay ng huli.
Lumalabas naman sa isinagawang ocular inspection ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na tatlong araw nang patay ang biktima at nasa decomposing state na ito. Isang malaking sugat naman ang nakita ng operatiba sa dakong likuran ng ulo ng biktima.
Narekober naman sa posesyon ng biktima ang service firearm nito, dahilan upang maging palaisipan sa mga awtoridad kung ano talaga ang naging sanhi ng pagkasawi ng una dahil wala naman umanong nawawala sa mga kagamitan nito upang isipin na pinasok ito ng mga magnanakaw.
Ganunpaman, isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng awtoridad hinggil sa nasabing insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)