Ayon kay QCPD director Chief Supt. Nicasio Radovan Jr., pinahihigpitan pa rin niya ang checkpoints sa ilang lugar na posibleng pagsagawaan ng operasyon ng mga sindikato palabas ng lungsod.
Kamakalawa ay nagreklamo si Dr. Romeo Atienza, 35, ng Maligaya Park Subdivision, Quezon City nang tangayin ang kanyang Isuzu Crosswind habang nagsisimba sa St. Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue.
Bandang alas-8 ng gabi nang pumasok ng simbahan ang biktima pero paglabas nito pasado alas-9 ng gabi ay wala na ang inihimpil na Crosswind XUV na may plakang XRA-869.
Wala namang matukoy ang bystander sa kung sino ang responsable sa pag-carnap ng sasakyan ni Atienza.
Sinabi ni Radovan na ang Isuzu Crosswind ay isa sa mga target ngayon ng sindikato na masusi namang minamanmanan ng mga awtoridad. Itinanggi naman nito na carnapping capital pa rin ang QC sa pagsasabing bumaba na ang insidente ng carnapping sa loob ng dalawang buwan. (Doris Franche)