Ayon kay Dr. Agnes Venegas ng National Epidemiology Center, hindi pa rin nalilinis ang mga laboratoryo sa naturang paaralan na natapunan ng kemikal na mercury.
Nilinaw ni Venegas na ang St. Andrews ang dapat na kumuha ng serbisyo ng isang private firm na eksperto sa ganitong bagay dahil wala anyang kapasidad at gamit ang DOH para gumawa ng paglilinis.
Hinala ni Venegas na posibleng nag-iipon pa ng pondo ang St. Andrews para sa pagpapalinis ng laboratoryo dahil may kamahalan umano ito kung kayat patuloy na naantala ang klase ng mga estudyante.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Mrs. Estrelita Neri, principal sa naturang paaralan hinggil sa usapin.
Tungkol naman sa kalusugan ng 106 estudyante na na-expose sa nakalalasong kemikal, sinabi ng DOH na ang local government ang dapat na mag-monitor sa kalagayan ng mga ito. Hindi rin makapagbigay ng impormasyon ang Parañaque Health Office tungkol sa kalagayan ng mga batang na-expose sa mercury noong nakaraang linggo. (Lordeth Bonilla)