Sinampahan din ng kasong coercion at robbery extortion ang mga pulis na sina PO3 Avelino Guibao, PO2s Edwin dela Cruz, Marlon Eusebio, Arnold Malay, Ken Mamwerto, Cleveland Mananghaya at PO1 Gerald Manabat, pawang mga nakatalaga sa MPD-Station 11 (Binondo).
Lumapit sa MPD-General Assignment Section ang mga tricycle driver na sina Emmanuel Cahayag, Armenio Melicor at Eduardo Padecio na nagreklamo laban sa mga pulis.
Sa sinumpaang salaysay nina Cahayag, dakong alas-9 ng umaga noong Pebrero 28 nang harangin sila ng mga pulis sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue at sapilitang kinuha ang kanilang mga lisensiya nang hindi binibigyan ng tiket.
Nang magtungo sa kanilang terminal, nabatid nila na maging ang iba nilang kasamahang tricycle driver ay pinaghuhuli rin sa kabila na legal naman ang kanilang pilahan. Sinabi ng kanilang dispatcher na nagalit umano ang mga pulis nang hindi sila makapagbigay ng pera nang manghingi ng pangmeryenda ang mga ito kaya sila pinaghuhuli.
Sinabi pa ni Cahayag na matapos ang dalawang araw, nagkita sila ng pulis na si dela Cruz sa may Juan Luna St., Binondo at iniabot ang isang violation receipt buhat sa isang PO2 Carlos Regalado ng MPD-Traffic Enforcement Group. Halata umano na paraan lamang ito ni dela Cruz upang palabasin na legal ang ginawa nilang paghuli sa mga tricycle driver.
Sinabi naman ni MPD-GAS chief, Supt. Arturo Paglinawan na mali ang ginawa ng mga pulis dahil sa wala silang awtoridad upang magsagawa ng panghuhuli at tanging ang mga traffic police lamang ang may tungkulin nito. Nakatakda namang ipatawag ni Paglinawan ang mga pulis kung saan ihaharap sa mga nagrereklamong mga tricycle driver. (Danilo Garcia)