Trader patay sa holdap

Isang ginang na negosyante ang nasawi matapos itong holdapin at matangayan ng halagang P100,000 ng dalawang kalalakihan, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Patay na nang idating sa Parañaque Community Hospital ang biktimang si Erlinda Balbuena, 68, ng 304 Standford St., Phase 1, Brgy. Moonwalk Village ng nabanggit na lungsod.

Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Tumakas naman agad ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.

Sa ulat ni SPO2 Odeo Carinom ng CID, ng Parañaque City Police naganap ang insidente dakong alas-10:20 ng umaga sa harapan ng paradahan ng car-aircon specialist sa may Ninoy Aquino Avenue Brgy. San Dionisio ng nabanggit na lungsod.

Kagagaling lamang ng biktima sa paniningil sa kanyang pautang at habang papasakay na sa kanyang sasakyan ay biglang nilapitan ng mga suspect at saka nagdeklara ng holdap.

Papalag sana ang biktima ng bigla itong barilin sa ulo ng mga suspect at saka tinangay ang bag nito na nagkakahalaga ng P.1 milyon.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso.

Show comments