Sa isinagawang simpleng seremonya sa loob ng Camp Crame, mismong si PNP Chief Dir. Gen. Arturo Lomibao ang nagbigay ng reward money sa tipster na sadyang tinakpan ang mukha upang hindi makilala.
Napag-alaman pa na ang tipster, na isa ring drug user na parokyano rin sa Mapayapa compound ang nagsumbong sa tanggapan ni Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AIDSOTF) chief Gen. Marcelo Ele Jr. matapos na kunin ng isang Dario, maintainer ng droga, ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P15,000.
Bukod sa tipster ay binigyan din ng parangal si Ele ng Medalya ng Kadakilaan habang medalya naman ng Kagalingan ang iginawad sa mga awtoridad na sumalakay sa den.
Matatandaang noong Pebrero 10 ay sinalakay ng kagawad ng AIDSOTF ang mahigit 50 barung-barong sa Mapayapa compound sa may kahabaan ng F. Soriano St., Brgy. Sto. Tomas ng lungsod na ito na nagsilbing tiangge ng shabu at naaresto rito ang may 312 katao na kinabibilangan ng 50 kababaihan at menor-de-edad at nakakumpiska ng mahigit kalahating kilo ng shabu. (Edwin Balasa)