2 lolo dedo sa sagasa

Dalawang lolo ang kapwa binawian ng buhay matapos na mahagip ng humahagibis na sasakyan sa magkahiwalay na insidente sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Gen. Malvar Hospital ang isa sa biktima na si Eduardo Morales, 63, matapos na mabundol ng isang Jell bus (NYN-252) sa ilalim ng Montessori overpass sa may Brgy. Old Balara, Quezon City.

Sa report ng QCPD-Traffic 5, bandang alas-9:15 kahapon ng umaga habang minamaneho umano ni Nicanor Roden, 46, ng Fairview Park, QC, ang naturang bus nang hindi umano agad napansin ang nakahandusay na biktima.

Nabatid na bago pa ito masagasaan ng bus ay una na umano itong nabundol ng pick-up ngunit tinakbuhan lamang ito. Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima ngunit namatay din matapos ang isang oras na pagkakaratay.

Samantala, dakong alas-8:40 naman kamakalawa ng gabi nang mabundol naman sa kanto ng C.P. Garcia at UP Campus ang biktimang si Juanito Lorenzo, 64, ng #23 Visayas Avenue, Pagkakaisa Cmpd., Quezon City habang sakay ito sa kanyang bisikleta.

Lumalabas sa ulat ng QCPD-Traffic Sector 3 na habang binabagtas umano ng driver na si Enrico Roberto Lavina, 23, binata, ng Loyola Heights, QC, lulan sa isang Honda Accord na kotse nang hindi umano nito agad napansin ang tumatawid na biktima sakay ng bisikleta.

Agad na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center si Lorenzo ngunit idinekara itong dead-on-arrival ng doktor.

Kapwa sinampahan ng kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga driver na responsable sa mga nabanggit na insidente. (Doris Franche)

Show comments