Kasalukuyang nakakulong sa MPD-Station 3 (Sta. Cruz) ang suspect na si Carmen Miniano, may-asawa, vendor at naninirahan sa 1776 Area A-Camarin, Caloocan City.
Sa ulat ni Supt. Romulo Sapitula, hepe ng MPD-Station 3, dakong alas-4:00 ng hapon nang maaresto ang suspect sa gilid ng Mercury Drug Store sa Quezon Blvd., Quiapo.
Ang pagkakaaresto sa suspect ay bunsod ng impormasyong natanggap nina PO3 Calvin Capuno at PO2 Mark Anthony Vitales, kapwa nakatalaga sa Detective Beat Patrol ng Station 3 mula sa isang nagmamalasakit na ginang na ayaw magpakilala hinggil sa madalas na transaksiyon ng suspect sa pagbebenta ng gamot na pampalaglag.
Nagsagawa nang pagmamanman sina Capuno at Vitales at napansin ang suspect na may hawak na nakabalot na papel habang nakikipag-usap sa isang babae. Agad na nilapitan ng 2 pulis ang suspect at inatasang buksan ang hawak na nakabalot na papel, saglit itong tumanggi, subalit nang buksan ay nadiskubre ang apat na pirasong cytotec tablets.
Sinasabing ang cytotec tablets ay ginagamit na pain reliever, subalit nakilala ito bilang gamot sa pampalaglag.
Ikinukunsidera rin ng pulisya na ang ilegal at patagong pagbebenta ng cytotec ang dahilan ng madalas na pagkakatagpo ng mga patay na fetus sa lungsod ng Maynila. (Danilo Garcia)