Maramot sa pulutan, tinodas

Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng limang lalaki ang isang 45-anyos na tubero matapos na nagtalo dahil sa pagdadamot ng biktima sa pulutang corned beef sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Mario Olego, may-asawa, ng 115 Severino St., Sta. Cruz sanhi ng bugbog at tama ng saksak sa katawan.

Kinilala naman ang dalawa sa limang suspect na tumakas na sina Nilo Catubag, 29, may-asawa, delivery boy, ng 1507 Mayhaligue St., Sta. Cruz at Wilbert Blancha, 25, delivery boy, ng 1217 Severino St., Sta. Cruz.

Sa ulat ni Det. Benito Cabatbat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Mayhaligue Sts., Sta. Cruz.

Sinasabing bago naganap ang insidente, ay nag-iinuman ang biktima kasama ang amo na isang Willy Cruz at ang limang suspect.

Nagpabili umano ng tatlong lata ng corned beef si Cruz na siyang naging pulutan nila, subalit ilang tagay lamang ni Cruz ay nagpaalam na itong umuwi.

Ilang oras lang ay nagpaalam na ring umuwi ang mga suspect, subalit dahil sa marami pang pulutan, humingi ang isa sa mga ito na mag-uuwi upang ipang-ulam.

Tumanggi naman ang biktima dahil sa kanya iniwan ng amo ang pagkain. Nagalit ang mga suspect hanggang sa mauwi sa pagtatalo at pinagtulungang gulpihin at saksakin ang biktima. (Danilo Garcia)

Show comments