Manhunt sa Tsinoy sa P53-M Ketamine

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang Special Task Force ng National Bureau of Investigation (NBI) upang madakip ang isang Fil-Chinese na umano’y tunay na may-ari ng P53-milyong halaga ng Ketamine na nadiskubre sa bahay ng isang Indian national sa Parañaque City.

Ayon sa isang source sa NBI-STF, isang Tsinoy ang talagang may-ari ng mga droga base sa imbestigasyon nila kay Harris Abichandi, 47, may-ari ng sinalakay na bahay sa #12 Hamburg St., Merville Subd., Parañaque.

Nabatid na nagbuhat umano sa India ang naturang mga illegal na droga at dumaan nang legal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago ipinasa ng hindi pa pinapangalanang Tsinoy kay Abichandi. Sinabi ni Abichandi na binayaran umano siya ng Tsinoy ng P50,000 renta para iimbak ang naturang mga droga sa loob ng kanyang bahay. Napag-alaman din na unang dumating sa bansa ang kontrabando noong Enero 28 at ikalawa nitong Pebrero 4.

Bukod sa paghahanap sa naturang Tsinoy, nakatakdang magsagawa rin ng imbestigasyon ang NBI sa ilang empleyado ng NAIA at ng Bureau of Customs dahil sa malayang pagpasok sa naturang droga sa kabila ng pagiging illegal nito. Posible umanong may kasabwat ang sindikato sa mga tauhan ng pamahalaan at maaaring matagal nang nagaganap. (Danilo Garcia)

Show comments