104 katao timbog sa drug den sa Maynila

Umaabot sa 104 katao ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa dalawang araw na saturation drive sa tinaguriang Vietnam at Nicaragua na umano’y drug den sa lungsod.

Nabatid na unang sinalakay dakong alas-4 ng hapon ng MPD-Station 3 ang Islamic Center sa may Arlegui St., Quiapo.

May 26 katao ang dinakip ng pulisya na pinaghihinalaang mga talamak na drug pusher. Lima dito ang natagpuang may nakapending warrant of arrest sa korte habang pinalaya naman ang iba matapos ang background check.

Ang ikalawang pagsalakay ay isinagawa naman kahapon sa tinatawag na Vietnam sa kanto ng Basan at Castillejos St., sa Sta. Cruz na nagresulta sa pagkakaaresto ng may 47 katao.

Isinunod naman ang tinaguriang Nicaragua sa ikatlong raid sa Parola Compound, Tondo at umaabot sa 31 katao ang inaresto.

Armado ng search warrant ang mga pulis nang isagawa ang pagsalakay.

Ang mga raid ay isinagawa sa mga kahina-hinalang lugar matapos madiskubre ang shabu tiangge sa Pasig City kamakailan. (Danilo Garcia)

Show comments