Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol na bagaman walang banta ng terror attack ngayong Araw ng mga Puso ay ipapatupad pa rin nila ang mahigpit na seguridad para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Ayon kay Querol, ligtas sa kanilang mga date ang mga magsing-irog kaya walang dapat na ipangamba ang mga ito na baka umatake ang mga teroristang grupo.
Kasabay nito, ayon kay Querol ay magpapakalat siya ng 500 karagdagang mga pulis sa mga matataong lugar na itinuturing na soft targets ng terrorist attacks.
Sinabi pa nito na partikular na magpapatrulya ang mga pulis sa mga matataong lugar tulad ng mga malls, terminal ng bus, barko, daungan, paliparan, MRT, LRT at mga restaurants.
Nitong nakaraang linggo ay personal na nagsagawa ng inspeksyon si Querol sa pinansiyal na distrito ng Makati City.
Tumanggi naman si Querol na kumpirmahin o itanggi ang pahayag ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco na ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na may ugnayan sa Al Qaeda ay may planong ulitin ang madugong Valentines day bombing noong Pebrero 14, 2005 sa mga lungsod ng Makati, General Santos at Davao na ikinasawi ng 8 katao habang marami pa ang nasugatan.
Samantalang dalawang ASG at isang Indonesian Jemaah Islamiyah bomber na si Rohmat, alyas Zaki ang nasentensiyahan ng kamatayan noong huling bahagi ng 2005 dahilan sa Makati V-day bombing. (Joy Cantos at may dagdag na report ni Ludy Bermudo)