4 holdaper dedo sa granada, 11 kritikal

Apat katao ang nasawi, habang 11 naman ang nasa kritikal na kondisyon makaraang sumabog ang isang granada nang magkagulo ang isang hinihinalang grupo ng mga holdaper makaraang magka-onsehan ang mga ito sa hatian ng kanilang mga nakulimbat, kahapon ng hapon sa Tondo, Maynila.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, kinilala ang mga nasawi na sina Eugene Candelaza, 34, ng Gate 1, Area A., Bgy. 20, Zone 2, MICP compound ng Tondo; Alex Laniojan, 39; Randy Gallus, 21 at isang alyas Toto na nasa pagitan ng edad na 30-35.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang mga nasugatan na sina Junal Masangyan, 37; Michael Gallardo, 10; mag-asawang Amy, 27 at Emil Aldayay, 37; mag-asawang Consuelo, 46 at Roger Buhaya, 53; Regis Castillo, 23; Arnel Aplakador, 4-anyos; Ruben Candelaza, 16; at Jeffrey Jamison, 27.

Ayon sa MPD-Homicide Section, naganap ang pagsabog dakong ala-1:30 ng hapon sa may Area B., Delpan, Parola compound, Tondo, Maynila.

Nabatid na unang nag-inuman ang grupo ng mga nasawi matapos ang isa nilang operasyon sa panghoholdap at kasabay nito ay naghatian na ang mga ito ng kanilang mga nakulimbat.

Bigla umanong nagkagulo ang mga nasawi at isa sa mga ito ay nagbantang magpapasabog ng granada nang mag-agawan na ng bag na naglalaman ng kanilang mga nakulimbat.

Aksidente namang nabunot ang safety pin ng granada at biglang sumambulat ito dahilan upang masawi silang lahat at madamay ang ilang mga residente na malubhang nasugatan sa nasabing pagsabog.

Isang granada naman na hindi sumabog ang narekober sa tabi ng bangkay ni Laniojan.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung talagang mga holdaper ang mga nasawi.

Show comments