2-anyos bugbog-sarado sa adik na lover ng ina

Halos hindi makagulapay ang isang 2-anyos na paslit makaraang pagsusuntukin at pasuin pa ng sigarilyo ng lover ng kanyang ina na "bangag" sa ipinagbabawal na droga, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Nagtamo ng mga bukol sa noo, maga ang nguso, paso ng sarilyo at halos magsara ang magkabilang mata ng biktimang itinago sa pangalang Justin nang dalhin ito sa pulisya ng kanyang ina na si Jocelyn Francisco, 24, ng #223 Marulas A, nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng Caloocan City Police Women and Children’s Concerned Desk (WCCD), dakong alas-4 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ina.

Lango umano sa droga nang dumating ang live-in partner ni Jocelyn na si Ronald Planas, 28, at walang sabi-sabing dinampot ang natutulog na bata at agad na pinag-uuntog at pinagsusuntok ito. Hindi pa nakuntento, nagsindi ito ng sigarilyo at pinagpapaso ang biktima.

Wala namang nagawa ang ina ng paslit kundi ang dalhin na lamang sa presinto ang biktima matapos itong bugbugin ng kanyang lover at ipinagharap ng kaukulang reklamo ang huli na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Ayon kay Jocelyn, malimit pagdiskitahan ng kanyang lover ang bata dahil hindi naman niya umano ito sariling anak at lagi itong sinasaktan kapag nasa impluwensiya ng droga. (Rose Tamayo)

Show comments