Muslims sa Pinas nakiisa sa pagkondena sa Denmark

Nagsagawa kahapon ng kilos-protesta ang daan-daang mga residenteng Muslim ng Quiapo Islamic Center upang makiayon sa pagkondena sa bansang Denmark sa pambababoy sa kanilang propetang si Mohammed sa isang caricature ng isang Danish newspaper kamakailan.

Nagtungo sa harapan ng Quiapo Church sa Maynila ang mga demonstrador na Muslim sa pangunguna ni Anak-Mindanao partylist Rep. Rejiv Hataman.

Ayon sa pahayag ni Hataman, mariin nilang tinututulan ang umano’y pambababoy sa kanilang propeta. Isa raw itong kahihiyan sa mga hanay nilang mga Muslim.

Matatandaang nagpalabas ang isang Norwegian Christian newspaper ng caricature na mistulang bumababoy sa propetang si Mohammed na kumalat sa internet.

Kumalat rin ito sa ibang mga pahayagan sa mga bansang Bulgaria, Denmark, France, Germany, Italy, Jordan, Spain, Switzerland, New Zealand, Norway at Poland.

Isa umano si Hataman sa nakikipaglaban sa freedom of the press. Ngunit ang ginawa umano ng mga Christian newspaper ay isa umanong pambabastos sa isang relihiyon na dapat tutulan at kondenahin. (Danilo Garcia)

Show comments