Ito ang nabatid matapos na magtungo sa Manila City Hall ang kinatawan ng Unilever na siyang event organizer ng "Lovapalooza" upang makipag-coordinate sa lokal na pamahalaan at mga kagawad ng Manila Police District (MPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nabatid na kabilang sa 2000 security task force ang mga paramedics/ambulance, fire trucks, mga kagawad ng MMDA at MPD na umabot sa 500 hanggang 1000.
Bukod dito, magsasagawa rin ng re-routing ang MPD kung saan bandang alas-9 pa lamang ng umaga ng Pebrero 11 ay hindi na maaaring daanan ang north-bound ng Roxas Blvd. at bandang alas-5 ng hapon ay ang south-bound naman ang isasara.
Bandang alas-12 naman ng hatinggabi ay inaasahang dadagsa ang libu-libong magkaka-partner upang sumali sa "Lovapalooza" na nauna nang nakapagtala ng breaking record sa Guinness noong 2004.
Ayon naman kay Manila Mayor Lito Atienza, ang pagtatalaga ng 2000 security personnel ay upang maiwasan ang naganap na stampede sa Ultra, subalit ito umano ay maituturing na isang aksidente tulad ng naganap sa stampede.
Bukod dito, isang wake-up call umano sa mga Pilipino upang maging handa sa mga malalaking pagtitipon at hindi na maulit pa ang naganap na trahedya noong Sabado. (Gemma Amargo-Garcia)