Binata natigok sa motel

Nasawi ang isang 35-anyos na binata ilang minuto matapos na mag-check-in sa loob ng isang motel kasama ang isang lalaki sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa UERM Hospital ang biktimang si Arnold Villacorta, ng 62 Camia St., Navotas na pinaniniwalaang inatake sa puso.

Sa report ni Det. Edison Bertoldo, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, dakong alas-3:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng Room 108 sa Giliw Lodge sa Sta. Mesa.

Sa rekord ng nabanggit na motel, nag-check-in ang biktima kasama ang isang Arnuldo Tabor, 29, binata ng 620 Interior 32 San Andres, Malate, Manila.

Hindi pa man sila nagtatagal sa loob ng kanilang tinuluyang kuwarto nang makaramdam umano ng paninikip ng dibdit at nahirapang huminga kaya agad na isinugod ng kasama nito sa ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Hindi na rin nagtangkang imbestigahan ng pulisya ang pagkamatay ng biktima matapos na tumanggi ang kapatid nito na si Alfie Villacorta na isailalim ito sa anumang imbestigasyon. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments