Nasawi noon din sa lugar na pinangyarihan ng insidente sina Edgar de Leon, 45, nagtamo ng maraming saksak sa katawan at anak na si Joper James, 11, na nagtamo ng saksak sa lalamunan at katawan.
Samantala, sugatan naman si Jeanie, 42, misis ni Edgar at isa pa nilang anak na si Jelyn Mae, 13,
Ang mag-anak ay pawang naninirahan sa 94 E. Dela Paz St. Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod.
Samantala, bugbog-sarado naman sa humabol na taumbayan ang suspect na nakilalang si Albert Sanchez, 18, tubong Nueva Ecija at pansamantalang naninirahan sa Purok Area 5, Sitio Penafrancia, Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Ayon kay PO3 Glen Aculana, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga nang pasukin ng suspect ang bahay ng mga de Leon bitbit ang dalawang kutsilyo na kinuha sa kusina. Agad itong umakyat sa ikalawang palapag sa kuwarto ng mag-asawang de Leon at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang mga ito habang natutulog.
Ang komosyon sa kuwarto ng mga magulang ay nakatawag pansin sa anak na si Joper James na napag-alamang isang Sikaran Martial Arts champion kaya agad itong sumaklolo sa mga magulang. Subalit dahil sa malaki ang suspect at sa murang edad ng biktima ay hindi nito nakayanan hanggang sa siya rin ay saksakin ng salarin.
Binalingan din ng suspect si Jelyn Mae at pinagsasaksak din bago tuluyang tumakas.
Gayunman, hindi ito nakaligtas sa mga kalalakihang kapitbahay ng mga biktima na humabol dito at nang abutan ay kinuyog at binugbog ito bago ibinigay sa mga nagrespondeng tauhan ng pulisya.
Nabatid sa imbestigasyon na sinibak sa trabaho ng matandang de Leon na may negosyong catering ang suspect nito lamang nakaraang linggo dahil sa hindi magandang ugali.
Posible umanong nagtanim ng galit ang suspect sa pamilya ng biktima at plinano ang paghihiganti.
Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa Marikina detention cell habang inihahanda ang kasong double homicide at 2 counts ng frustrated homicide laban dito. (Edwin Balasa)