Kinilala ni P/Sr. Supt. Leo Garra, hepe ng Caloocan City Police, ang biktima na si Angelito Lorenzana, residente ng Miguel St., Sto. Niño Subd., Camarin, ng nabanggit na lungsod.
Napag-alaman na nasawi noon din ang biktima sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at likurang bahagi ng tainga. Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspect na agad na tumakas matapos ang ginawang pananambang sa biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:15 kahapon ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Capitol Park, Camarin, Caloocan City.
Kasalukuyang sakay ng isang tricycle ang biktima nang sundan ang una ng dalawang suspect na pawang sakay ng isang motorsiklo at agad na pinagbabaril ng mga ito nang malapitan sa ulo na naging sanhi ng agarang pagkasawi ni Lorenzana. May teorya ang pulisya na may posibilidad na may kinalaman sa pagiging asset nito sa pulisya ang dahilan ng pananambang sa biktima na sinasabing kilala bilang crusader laban sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa kanilang lugar. (Rose Tamayo)