2 notoryus holdaper tiklo

Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang dalawang kilabot na holdaper, kahapon ng madaling-araw sa Pandacan, Maynila.

Positibong kinilala ng mga biktimang sina Ricardo Docillo, 55-anyos, negosyante at Antolin Frias ang mga suspect na sina Christopher Carola, 21 at Garry Flaviano, 27 na kapwa mga residente ng Kahilum 1, Pandacan, nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspect matapos na magsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad sa Pres. Quirino Avenue laban sa mga ito.

Ang operasyon ay isinagawa makaraang makatanggap ng sunud-sunod na reklamo ang pulisya mula sa mga motorista sa talamak na holdapan sa nasabing lugar.

Modus operandi umano ng mga suspect na tutukan ang mga motorista na nakabukas ang mga salamin ng kanilang mga sasakyan habang nakahinto at hoholdapin ang mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments