Dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib ang ikinasawi ng suspect na si Martin Ong, 37, residente ng Rotonda, Pasay City. Kasama nitong naaresto sa isinagawang operasyon ang isa pang suspect na si Leopoldo Villanueva, 35, na sinasabing siyang pumaslang kay Manuel Zachary Escudero, estudyante, kamakalawa ng umaga sa panulukan ng P. Ocampo at Arellano St. sa Malate.
Sa ulat ng MPD- Homicide Section, dinakip sina Ong at Villanueva sa isang operasyon sa Rotonda, Pasay City.
Dakong alas-4 ng madaling-araw habang iniimbestigahan ay bigla umanong nang-agaw ng baril ni PO2 Jesus de Leon si Ong kaya napilitang barilin ito ng iba pang pulis. Kinumpirma naman ng isa pang suspect na si Villanueva ang naganap na pang-aagaw ni Ong na umanoy nakipagbuno pa kay de Leon.
Samantala, isang Hilarion Dizon, 51, naman ang dinakip ng mga tauhan ng Task Force Galugad makaraang kilalanin ng isang saksi na siyang bumaril at nang-agaw ng cellphone ng biktimang si Escudero.
Itinanggi naman ng pamilya ni Dizon ang akusasyon laban dito dahil sa isa umano itong "tourist guide" at hindi magagawa ang naturang panghoholdap.
Nagkaroon ng kaguluhan ngayon matapos na lumabas na tatlong suspect ang nadakip ng pulisya sa kabila na dalawa lamang ang sakay ng motorsiklo na nangholdap kay Escudero. (Danilo Garcia)