Kasalukuyang ginagamot sa Pasig City General Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa katawan at ulo ang mga biktimang sina Ernesto Gallardo, 63; at Ernesto Ariola, 34, kapwa driver ng mga tricycle; Roldan Lizada, Sheila Mae Abate, Candy Medic, John Rey Cuareto, Mark Anthony Abante, Danica Ramos, pawang nasa edad 13-14-anyos at nag-aaral sa Rizal High School; at isang hindi pa kilalang lalaking mag-aaral.
Samantala, agad namang naaresto ng rumespondeng pulisya ang suspect na si Federico del Castillo, 58, driver ng delivery van na bumangga sa mga tricycle.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa kahabaan ng East Bank Road, Brgy. Manggahan ng lungsod na ito.
Nabatid na minamaneho ng suspect ang van, may plakang XMN-536 patungo sa Marikina nang tangka nitong unahan ang sinusundang sasakyan.
Subalit sa kanyang pag-overtake ay nakasalubong nito ang magkasunod na tricycle na minamaneho nina Gallardo at Ariola lulan ang mga estudyanteng papasok sa eskuwelahan kaya nataranta ito at hindi kaagad natapakan ang kanyang preno, dahilan upang suyurin ang mga tricycle. (Edwin Balasa)