Ayon kina Lino Young, 27, at Lex Reves, 38, pawang mga kasama ng napatay na si Jonathan Hizon, hindi umano totoo ang barilan sa loob ng presinto ng Caloocan Police-Community Precint 11 gaya ng nasa police report.
Sa paliwanag ni Reves, rent a car ang kanyang negosyo at pasahero nito sina Hizon, Young at hindi nakilalang babae sa kanyang Mitsubishi Lancer na may plakang DRA-313 kung saan nagpapahatid ang mga ito sa Bulacan.
Dagdag pa ni Reves, dakong alas-6 ng gabi nang kanyang puntahan sina Hizon sa pinag-usapang lugar nang biglang dumating ang tatlong pulis ng PCP 11 kabilang si PO3 Hector Ortencio.
Bigla na lamang umang isinakay ng mga pulis si Hizon at ang kasama nitong babae sa mobile patrol car habang inutusan sila ni Reves at Young na sumunod sa presinto. Hindi pa man sila umano nakararating sa nasabing himpilan ng pulisya ay pinababa sila ng mga pulis at pinadapa sa damuhan kung saan nakarinig ang mga ito ng putok.
Nang dumating sila sa PCP 11 ay wala na si Hizon at ang kasama nitong babae kung kayat maliwanag umano na hindi nakipagbarilan si Hizon sa loob ng presinto.
Hindi rin umano sila hinuli sa checkpoint gaya nang nakasaad sa spot report na ipinadala ng PCP 11 sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan Police Station.