CHR kumambiyo sa rubout

Kumambiyo ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa lumabas na mga ulat na mula sa komisyon hinggil sa kontrobersiyal na Ortigas shootout na naganap kamakailan sa Ortigas Pasig City.

Nilinaw ni CHR Chairperson Purification Quisumbing na wala silang pinal na resolusyon at rekomendasyon kaugnay ng naging resulta ng kanilang isinagawang pagbusisi sa naturang insidente.

Ang pahayag ay ginawa ni Quisumbing bilang reaksyon sa mga lumabas din na komentong report na nagsasabing hilaw at conclusive ang resulta ng imbestigasyon ng komisyon na nagsasabing rubout at hindi shootout ang naganap na insidente sa Ortigas.

Sinabi ni Quisumbing na malamang na-misquote lamang siya nang ihayag niya sa isang panayam ang resulta ng ilan sa nakalap na impormasyon kaugnay sa isinagawa nilang imbestigasyon kaya’t inakala na rubout ang pinal na resulta ng kanilang inquiry.

Sa susunod na linggo pa lamang umano nila ipalalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon ukol dito.

Tikom ang bibig ng PNP chief Director General Arturo Lomibao sa lumabas na umano’y resulta ng imbestigasyon ng CHR.

Sinabi ni Lomibao na makikipagkoordinasyon pa sila sa CHR para madetermina kung anong aksyon ang maaaring ipataw laban sa mga operatiba ng Task Force Limbas ng PNP- Traffic Management Group na sinasabing naka-engkuwentro ng mga carjackers.

Iginiit ni Lomibao na hindi pa tapos ang isinagawang counter-checking ng PNP Internal Affairs Service sa resulta ng imbestigasyon ng TMG Fact Finding Body na nanindigang napatay sa shootout at hindi sa rubout ang tatlong suspect.

Sa naglabasang balita kamakalawa, sinabi ng CHR sa draft report nito na walang nangyaring shootout sa pagitan ng mga operatiba ng Task Force Limbas at ng mga carjackers dahilan hindi nagpaputok ng baril ang mga napatay noong gabi ng Nobyembre 7 ng nakalipas na taon.

Magugunita na sa nasabing insidente ay napatay ang mga suspect na kinilalang sina Brian Anthony Dulay, Francis Xavier Manzano at Philip Cu-Unjieng sa Ortigas financial district sa Pasig City.

Lumutang naman ang mga espekulasyon na rubout ang pangyayari matapos mapanood sa UHF television station UNTV habang niraratrat ng mga operatiba ang sasakyan ng mga wala nang buhay na biktima ilang minuto matapos ang sinasabing engkuwentro.

Show comments