Sa isinagawang media briefing ng Rotavirus Organization for Training and Advocacy in the Philippines (ROTAPhil) sa Makati Shangrila Hotel, binanggit ng mga ito na isang public health enemy ang rotavirus infection at nais nilang mabigyan ng sapat na kaalaman at proteksyon ang mamamayan ukol dito para maiwasan ang nakamamatay na sakit.
Rumehistro sa kanilang survey na 52 porsiyento sa kabuuang 100 na na-ospital ay dulot ng rotavirus infection o rotavirus gastroenteritis, ang iba naman ay tinatayang nagtataglay ng mga sakit na cholera at pagkalason.
Ayon kay Dr. Lulu Bravo, Rotaphil chair at professor ng Pediatrics sa UP-Manila College of Medicine, ang unang atake ng rotavirus sa katawan ang siyang ikinukunsidera na pinaka-delikado.
Kadalasang umano naaapektuhan ng nasabing virus ay ang mga bata mula sa anim na buwan hanggang dalawang taon, gayundin ang 5-anyos pababa.
Ang rotavirus ay sanhi ng intestinal viral infection na may kaakibat na lagnat, pagsusuka at pagdudumi. Maaaring makuha ang naturang sakit kahit saan dahil dumidikit ito sa mga upuan, mesa, mga laruan at mga kasangkapan. Ito ay madaling makahawa at maaari rin umanong makuha sa maduming tubig at pagkain.
Dahil dito, ipinayo ng mga doktor na mahalagang magpasuso sa loob ng anim na buwan ang mga ina sa kanilang mga sanggol, ugaliin ang madalas na paghuhugas at pagsasabon ng kamay at kumunsulta para sa mga vaccination process para sa tiyak na proteksyon.
Sinabi ng mga doktor na walang exemption sa naturang sakit mahirap o mayaman ay maaaring maging biktim ng nakamamatay na rotavirus infection. (Lordeth Bonilla)