Nabatid na dakong alas-7 ng umaga nang mamataan ang naturang sawa na may sampung talampakan ang haba sa kanto ng Lavizares at Madrid Sts., Binondo. Nahirapan ang mga tauhan ng barangay na hulihin ito dahil sa nanlalaban at mabilis na gumagapang.
Sinasabing nakita ng guwardiyang si Raul Pagaran ang nasabing sawa sa ilalim ng isang sasakyan sa isang parking lot hanggang sa gumapang ito palabas.
Unang inilagay sa isang sako ang gutom na sawa at isinakay sa passenger seat ng mobile ng isang radio station upang dalhin na sa Manila Zoo. Katabi nito ang photographer na si Turo Lacson, miyembro ng Manila Police District Press Corps ngunit nabutas ng sawa ang sako at muling nakawala.
Laking takot ni Lacson nang gumapang sa kanya ang sawa kaya nag-panic ito, sanhi upang ipahinto sa driver ang sasakyan. Dali-daling lumundag sa labas ng van si Lacson sa takot na maging agahan ng naturang sawa.
"Takot na takot talaga ako, kayang-kaya akong lunukin ng sawa dahil sa liit ko," ayon kay Lacson na tinatayang nasa limang talampakan lang ang taas.
Tinatayang nasa edad na apat hanggang limang taon ang nasabing sawa at nabuhay sa pamamagitan ng pagkain ng mga daga na napapadako sa kanyang lungga sa gilid ng creek ng Madrid St. (Danilo Garcia)