Isa sa identical twin napagkamalan, todas sa parak

Hinihinalang napagkamalan lamang ng isang pulis-Caloocan ang kakambal ng kanyang nakaaway dahil sa pagiging identical twin ng mga ito sanhi upang pagbabarilin ng suspect ang biktima hanggang sa mapatay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Patay na ng ideklara sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Randy Boy Cruz, 23-anyos, stay-in helper sa #1987 D. Katamanan St., Tondo.

Kasalukuyan namang target ng manhunt operation ang suspect na si PO2 Jessie Caragdag, 32, may-asawa at nakatalaga sa Caloocan City Police.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa kahabaan ng Katamanan St., at nabatid na kasalukuyang nakaupo sa gilid ng kalsada ang biktima nang madaanan ng suspect sakay ng kanyang owner type jeep na may plakang PTW-427.

Bumaba umano ang suspect sa kanyang sasakyan at pinagbabaril ang biktima sa dibdib bago tuluyang tumakas.

Napag-alaman na bago ang nasabing insidente ay unang tinangkang paslangin ng suspect ang kambal ng biktima na si Rolly Boy na nagsampa ng kasong frustrated murder sa korte laban sa una. (Danilo Garcia)

Show comments