Rambol sa bar: Estudyante patay

Isang estudyante ang iniulat na nasawi, habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan nang pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ng tatlong kapwa nito estudyante sa naganap na rambol sa isang bar sa Quezon City, kahapon ng madaling- araw.

Dead-on-arrival sa World City Medical Center ang biktimang si Jayson Villanueva, ng 089 Orlina St. Brgy. West Fairview, Quezon City sanhi ng tinamong mga pasa at saksak sa katawan, habang ginagamot din sa nabanggit na pagamutan ang kaklase nitong si Niño Castelle, 19, ng K-7 St., Kamuning, Quezon City na nagtamo rin ng saksak sa katawan.

Nadakip naman ang isa sa tatlong suspect na si Froilan Mapalo, 21, student at naninirahan sa No. 16 Santan St. Payatas, samantalang mabilis na tumakas ang dalawang kasamahan nito.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Felipe Tumibay ng QC-CID dakong ala-1:35 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng isang bar sa Stanford St., Aurora Blvd., Cubao, Quezon City.

Magkahiwalay na nag-iinuman ang mga biktima at suspect sa loob ng bar nang biglang komprontahin ng huli ang una sa hindi malamang dahilan. Kasunod nito ay bigla na lamang minura ng suspect ang biktima na humantong sa rambulan.

Nakuyog ng grupo ng suspect ang biktimang si Villanueva na ginulpi at saka pinagsasaksak. Nadakip naman agad si Mapalo hanggang agad namang nakasibat ang dalawa pa. (Doris Franche)

Show comments