Napag-alaman na dakong alas-8 ng gabi nang isugod sa Manalo Mendoza Lying-In Clinic na matatagpuan sa 35 Lakandula St., Brgy. Parang ng lungsod na ito ang pasyenteng si Melanie Dayno, 24, residente ng Lourdes St., St. Marys Subd., ng nasabing barangay.
Makalipas ang isa at kalahating oras ay iniluwal ang sanggol na babae subalit laking gulat ni Evelyn Mendoza, midwife ng nasabing lying-in clinic nang lumabas ang sanggol na nakalabas ang utak dahil wala itong bungo sa ulo.
Dahil sa kakaibang hitsura ng sanggol ay hindi rin tumagal ang buhay nito at pumanaw din makalipas ang anim na oras.
Sa panayam kay Mendoza, sinabi nitong posible umanong nagkaroon ng sakit ang ina ng sanggol noong ito ay nasa isa hanggang tatlong buwan pa lamang na pagbubuntis kung saan ito ang pinaka-kritikal na estado ng pagbubuntis.
Inamin din ni Dayno na hindi siya nakapag-pre-natal habang ipinagbubuntis ang sanggol.
Samantala, ligtas naman si Dayno at pinauwi rin ito nang makapagpahinga ng ilang oras sa klinika. (Edwin Balasa)