Sa 18-pahinang desisyon ni Pasig RTC Judge Leoncio Janolo Jr. Branch 264, hinatulan niya ng kamatayan ang mga akusadong sina Ronald Yao, Wen Jin Cai at Chua Lin Yen matapos na maaresto sa pagtutulak ng 548.4 gramo ng shabu.
Subalit tila mababalewala ang nasabing desisyon dahil pinayagang makapagpiyansa ni Janolo ng P200,000 kada isa ang mga akusado noong taong 2003 dahil sa ilang teknikalidad diumano ng mga umarestong awtoridad.
Lumalabas sa rekord ng korte na noong Nobyembre 6, 2001 ay nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Regional Operation Special Office (RISO) na pinangungunahan ni Sr. Supt. Federico Laciste Jr. sa loob ng Nipa Hut Restaurant sa Brgy. Oranbo ng lungsod na ito.
Matapos na makabili ng halagang P4,000 shabu kay Yao ay agad na naglabasan ang mga operatiba subalit nakatunog ang mga akusado kaya mabilis na tumakas sakay ng kanilang kotse subalit agad na nasakote ang mga ito nang mapalibutan ng pulisya sa Mantrade Bldg. sa kahabaan ng EDSA, Makati City at nakuha sa sasakyan ng mga ito ang dalawang plastic bag ng shabu na umaabot sa 548.4 gramo.
Ilang oras matapos maaresto ang mga akusado ay agad namang ni-raid ng mga awtoridad ang shabu laboratory ng mga ito sa #44 San Agustin St., Capitol Subd., Brgy. Kapitolyo, ng lungsod na ito kung saan nadakma sa loob nito ang 5 Chinese national na chemist na nauna na ring hinatulan ng habambuhay ni Janolo.