Provincial bus, bawal ng magsakay at magbaba ng pasahero sa EDSA

Mahigpit nang ipinagbabawal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasakay at pagbaba ng mga pasahero sa kahabaan ng EDSA.

Ayon kay MMDA Chairman Bayani Fernando, inatasan na niya ang mga traffic enforcer na hulihin at tikitan ang mga tsuper ng mga provincial bus na magsasakay at magbababa ng mga pasahero sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Aniya, sa bus terminal lamang maaaring magsakay at magbaba ng pasahero ang mga provincial bus upang hindi na makadagdag pa sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Samantala, ipapatupad na rin ang Organized Bus Route System sa susunod na Linggo dahil maraming bus ang pumapasada sa kahabaan ng EDSA.

Ipinaliwanag ni Fernando na kailangan na ipatupad ang kaunting pagbabago dahil na rin sa inaasahang pagsisikip ng trapiko ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Inaasahang dadagsa ang mga mamimili sa iba’t ibang mall lalo na sa Divisoria.

Umaasa naman si Fernando na makikipagtulungan sa kanila ang mga tsuper at publiko upang mas maging maayos ang trapiko sa Metro Manila. (Lordeth Bonilla)

Show comments