Nakilala ang mga biktima na sina Christine Morquinos at ang kanyang ina na si Maricel na kapwa nagtamo ng tama ng bala ng baril.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon nasa labas ng kanilang bahay ang mag-ina sa 045 C.P. Gracia St. Tondo ng biglang magpaputok ng baril ang isang lalaki sa isang grupo ng mga kabataan.
Ayon kay Maricel, matapos ito ay bigla na lamang siyang tumumba habang karga ang kanyang anak. Nagtamo ng sugat sa braso si Maricel habang ang kanyang anak naman ay tinamaan sa may puwitan.
Noon lamang nakalipas na linggo, isang ginang din ang tinamaan ng stray bullet sa gitna ng mainit na pagsasagupa ng dalawang grupo ng kabataan na nag-aaway. Ang halos gabi-gabing sagupaan ng mga gang sa nabanggit na lugar ay nagpapaalarma sa mga residente dito dahil sa kadalasang nadadamay ay mga inosente at walang alam sa pangyayari.
Kasabay naman nito, ang sinasabing "hitman" ng street fraternity gang na iniulat na responsable sa pagpaslang sa dalawang miyembro ng kalaban nilang grupo ang nadakip sa Tondo, Maynila. Nakilala ang nadakip na si Jonathan Estacio, alyas Sky, 21, ng Domingo Santiago St., Sampaloc, Maynila.
Si Sky ay sinasabing leader ng Temple Street Trece at wanted sa pagbaril at pagpaslang kina Michael Duque noong nakalipas na Enero 2002 at Joydan Villegas noong Abril 2002. (Nestor Estolle)