Ayon sa ilang nakasaksi, dakong alas-8 ng gabi ng sapilitang dukutin ng mga hindi nakikilalang suspect ang biktimang si Danny Pe, 52.
Hindi naman makapagbigay ng impormasyon ang mga saksi hinggil sa pagkakakilanlan ng tatlong suspect na armado ng ibat-ibang kalibre ng baril.
Lumilitaw na sapilitan umanong isinakay ang biktima sa isang kulay puting Mitsubishi Adventure na may plakang XGR-419 na hindi malaman ng pulisya kung pag-aari ito ng biktima o ang get-away vehicle ng mga suspect.
Nabatid na kakalabas pa lamang ng biktima mula sa La Loma Cockpit Arena nang lapitan at sapilitang dalhin ng mga suspect.
Habang papatakas, nagpaputok pa ng baril ang mga suspect kung saan tinamaan at nasugatan ang dalawang tricycle driver.
Sinabi naman ng pulisya na wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil sa pagkadukot kay Pe.
Hindi pa rin nila makumpirma kung kabilang sa mga miyembro ng kidnap for ransom syndicate ang tatlong suspect dahil hanggang sa ngayon ay wala pang natatanggap na tawag ang pamilya nito mula sa mga suspect. (Doris Franche)