Kinilala ng mga awtoridad ang nadakip na si Glen Masayon, ng Toledo City.
Sa nakalap na ulat, sinabihan umano ni Masayon si Lani Howard, crew member ng Cathay Pacific Airlines na may dala siyang bomba at anumang oras na pindutin niya ang detonating device ay sasabog sa himpapawid ang eroplanong kanilang sinasakyan.
Inireport ni Howard sa piloto ang pagbabanta ni Masayon kaya naman mabilis na inabisuhan ang control tower sa NAIA tungkol sa banta nito.
Binigyan ng order ng control tower ang piloto na sa isang safe na lugar ibaba ang lahat ng pasahero kapag lumapag ito sa runway ng paliparan para sa security measures.
Nang lumapag ang eroplano sa runway ng NAIA ay mabilis na hinila ito sa isang lugar malayo sa terminal para doon suriin kung may bombang dala si Masayon.
Kinalkal ng pulisya ang eroplano, bagahe at ang mga pasahero naman ay kinapkapan, pero walang nakuhang bomba.
"Mukhang may diprensiya sa pag-iisip si Masayon kaya niya nagawa ang pagbabanta," anang isang pasahero sa eroplano.
Nang posasan si Masayon matapos arestuhin, sinabi nitong pinosasan na umano siya sa Mexico bakit daw sa Pilipinas ay kailangan pa siyang posasan.
Isasailalim muna sa pagsusuri si Masayon at inihahanda ang kasong maaaring isampa laban dito. (Butch Quejada)