Chinese trader patay sa ambush

Isang ginang na Chinese national ang nasawi makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaking naka-motorsiklo habang nakasakay ang una sa kanilang kotse na minamaneho ng kanyang mister, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Patay na nang idating sa Las Piñas District Hospital ang biktimang si Qui Ming Suan, 57, ng 31 Hyacinth St., Las Piñas Royale Estate ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.

Mabilis namang tumakas ang dalawang suspect na naka-helmet at lulan ng isang Enduro type motorcycle na hindi nakuha ang plaka.

Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:25 ng umaga sa panulukan ng Naga Road at Camella V., Brgy. Pulang Lupa, Las Piñas City.

Sakay ang biktima sa isang kulay brown na KIA/Picanto LX na minamaneho ng mister nitong hindi binanggit ang pangalan. Bigla na lamang sumulpot buhat sa likuran ang sasakyan ng mga suspect at nang tumapat sa ginang ay walang sabi-sabi itong pinaputukan sa ulo. Mabilis na tumakas ang mga suspect matapos ang insidente.

Hindi pa mabatid ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa krimen.

Habang tinitingnan ang anggulong may kinalaman sa negosyo o di kaya ay ang insurance nito. (Lordeth Bonilla)

Show comments