Base sa footage na hawak ng UNTV, eksklusibong nakunan ng kanilang cameraman ang pagtatanim ng baril at mga plaka ng sasakyan ng mga pulis matapos na bumulagta sina Bryan Anthony Dulay, Francis Xavier Manzano at Anton Cu-Unjieng.
Ayon sa UNTV, kitang-kita sa panibagong video ang paglalagay ng ebidensiya laban sa mga suspect kung kayat hindi pa absuwelto ang 10 pulis na sangkot sa shootout.
Inaasahang ipalalabas ngayon ni PNP-TMG Director Chief Supt. Augusto Angcanan ang resulta ng imbestigasyon ng Fact Finding Team sa pagsasabing shootout at hindi rubout ang nangyari.
Kapansin-pansin sa footage ng UNTV na 30 minuto matapos ang shootout ay may pulis na lumapit sa likurang bahagi ng sasakyang Nissan Exalta na may plakang XDD-828 ng mga suspect at may inaayos na pinaniniwalaang dalawang plaka ng sasakyang nakita sa tabi ni Manzano.
Sa footage ng UNTV muling binaril sa ulo ng mga pulis si Cu-Unjieng nang makitang gumagalaw pa ito kasunod naman ng pamamaril kina Dulay at Manzano upang matiyak na patay na ang mga ito.
Nakapagtataka din sa kuha ng UNTV na ang kamay ni Dulay ay nasa dibdib nito subalit nang dumating ang iba pang media ay nakababa na ang kamay nito hawak ang isang Jericho pistol na baril.
Sa resulta ng paraffin test ng PNP-Crime Laboratory ay lumilitaw na positibo sa gun powder burns sina Dulay at Cu-Unjieng.