Kinilala ang biktima na si Egyfil Shane Tiu, isang Japayuki at residente ng #2468 Pasig Line, Sta. Ana, Manila.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang inginusong suspect na isang Wang Ning, alyas Mark Wang at Kent Huang, 29, negosyante, ng Thajen, China at nanunuluyan sa 2370-H Tejeron St., Sta. Ana, Maynila, na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Det. Ed Ko, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Division, dakong alas-9:30 ng gabi nang matuklasan ang nabubulok nang bangkay ng biktima sa loob ng aparador sa bahay ng suspect sa 2370-H Tejeron St., Sta. Ana.
Sinasabing bago natuklasan ang bangkay ni Egyfil ay pumasok sa kuwarto ang kalapit kuwarto nito na si Cheska Domingo upang manghiram ng hanger subalit nang buksan nito ang aparador ay halos panawan ito ng ulirat dahil sa mabahong amoy mula sa isang nakabalot na bagay.
Inusad ni Domingo ang nakabalot na bagay subalit tumambad sa kanya ang paa ng biktima dahilan upang ipagbigay-alam sa chairman ng kanilang barangay ang natuklasan.
Sinasabi pang dating mag-live-in ang biktima at suspect subalit naghiwalay din ang mga ito nang nagtungo ang una sa Japan upang magtrabaho.
Nitong Oktubre 30, 2005 ay bumalik ang biktima mula Japan hanggang sa natuklasan ang bangkay ng biktima.
Ayon kay Aling Teresa Tiu, ina ng biktima, matinding selos umano ang dahilan kung bakit pinatay ng suspect ang kanyang anak.
Idinagdag pa ng ina ng biktima na matagal na niyang pinayuhan ang anak na hiwalayan na ang suspect matapos na minsan na nitong tinangkang patayin ang una dahil sa selos.
Sinasabi ring mahilig magdala ng ibat ibang babae ang suspect sa kanyang inuupahang kuwarto.
Sa imbestigasyon ng pulisya, matinding bugbog ang tinamo ng biktima mula sa suspect saka nito binalot ng kumot at isinilid sa kanyang aparador upang itago ang krimen subalit nangamoy ito.