Japanese trader, niratrat, patay

Dead-on-the-spot ang isang negosyanteng Hapones makaraang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin habang papasok sa kanilang bahay sa Las Pinas City, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Uehara Teotumo, 45, ng 87 Casimiro Village Avenue, Brgy. Pamplona 3, ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan at namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen.

Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspect matapos ang isinagawang pamamaril.

Sa sketchy report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling araw.

Ayon sa asawang Pinay ng biktima na si Corazon Santos, 31, bago ang naganap na krimen galing sila sa pag-aari nilang Tropix Bar and Restaurant na nasa Zapote-Alabang Road, Muntinlupa City at pauwi na sila sa kanilang bahay sa nabanggit na lunsgod lulan ng kulay pulang scooter na minamaneho ng kanyang mister.

Papasok na umano sila sa kanilang bahay nang biglang sumulpot ang mga suspect na armado ng mga baril at saka kinompronta ang kanyang asawa. Ilang sandali pa ay pinagbabaril ng mga suspect ang kanyang mister.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga salarin habang naiwang duguang nakahandusay ang Hapones at natulala naman sa kanyang nasaksihan si Santos.

Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa pagpaslang sa biktima, habang isinasagawa pa ang malalimang imbestigasyon ukol dito.

Naglunsad ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga salarin. (Lordeth Bonilla)

Show comments