Sa isang pahinang liham na ipinadala ni Justice Secretary Raul Gonzalez kay BIR Commissioner Jose Mario Bunag, sinabi nito na pag-aralan ng huli ang kahilingan ng kampo nina Gomez at Quijano para sa "settlement" ng kanilang kaso.
Ayon pa sa Kalihim dapat tingnan din ng BIR kung maaaring pagbigyan ang kahilingan ng dalawa dahil wala na sa DOJ ang kaso ng mga ito at ang BIR na ang may hurisdiksyon dito.
Hiniling din ng Kalihim kay Bunag na bigyan siya ng detalye o impormasyon kung ano ang magiging aksyon nito sa kahilingan ng dalawang personalidad.
Magugunita na sinampahan ng kasong apat na bilang ng tax evasion si Gomez sa Pasig City Metropolitan Trial Court dahil sa hindi nito pagbabayad ng income tax.
Base sa rekord ng DOJ, tanging documentary stamp tax na nagkakahalaga ng P786,975 ang binayaran ni Gomez sa BIR noong Nobyembre 6, 2003 matapos na bumili ng property sa Forbes Park na nagkakahalaga ng P52 milyon. (Grace Amargo dela Cruz)