1 patay sa madugong birthday party

Dinilig ng dugo ang isang birthday party nang barilin at mapatay ng kapitbahay ng may kaarawan ang isang bisita nito sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Edwin Vicmudo, estudyante, ng 1969 Katamanan St., Tondo sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.

Pinaghahanap naman ang suspect na si Larry Manapat, alyas Tarik, 27, walang trabaho na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa basketball court ng Katamanan St. sa nasabing lugar.

Nabatid na bago naganap ang krimen ay nag-iinuman ang biktima at ilan pang bisita ni Rick Caragdag na nagdiriwang ng kanyang kaarawan na nagkatuwang magpaputok ng firecracker sa mismong basketball court.

Inakala naman ng suspect at ilang kaibigan nito na sila ang pinapaputukan kaya gumanti ang mga ito sa pamamagitan ng pambabato ng bote kaya nagkaroon ng rambulan.

Sa gitna ng rambol, biglang nagbunot ng baril si Larry at walang sabi-sabing binaril ang biktima at saka tumakas.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation laban sa tumakas na suspect. (Gemma A. Garcia)

Show comments