Dutch national na pilay nabigyan ng driver’s license

Nabalot ng kontrobersya kahapon ang pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho ng isang Dutch national na bukod sa pagiging banyaga ay pilay ang kanang paa.

Gayunman, ipinagtanggol ng Land Transportation Office (LTO) kung bakit binigyan nila ng lisensiya ang banyagang si Hans Gernot.

Ayon kay Dra. Brenda Basco ng LTO Medical Office, nakasaad sa Chapter 6, Section 26 ng Republic Act 7277 o Magna Carta for Disabled Person na puwedeng bigyan ng non-professional driver’s license ang isang foreigner, gayundin ang isang handicapped person.

Ipinakita pa ni Basco na base sa rules A, B at C na nakasaad mismo sa likod ng driver’s license identification card, puwede pa ring magkaroon ng lisensiya ang isang taong pilay basta mayroon lamang itong artificial na hita at paa.

Ipinaliwanag pa ni Basco na kahit ang isang taong bulag ang isang mata, pati pipi at bingi ay puwede pa ring makakuha ng pribilehiyo sa pagkuha ng lisensiya.

"Yun ang mga dahilan kung bakit ko binigyan ng ‘go signal’ na isyuhan ng lisensiya yung tao," paliwanag ni Basco.

Ang importante, ayon pa sa LTO official, pumasa lamang sa anumang ibibigay na pagsusulit, written, oral at actual driving examination ang isang aplikante ng driver’s license.

Ayon kay Grace Ramos, public information officer ng LTO, si Gernot ay naunang dumating sa bansa nong Setyembre 12, 2004. Mula noon ay nagbalikbayan na umano ito sa bansa at ang pinakahuli niyang pagdating sa ’Pinas ay nito lamang Hunyo 16 ng taong kasalukuyan.

Hindi naman nito masagot kung ano ang negosyo ni Gernot sa bansa at bakit gustung-gusto nitong magmaneho ng sasakyan sa Pilipinas. (Angie dela Cruz)

Show comments