Lola nilooban na, pinatay pa

Pinagsasaksak na at binigti pa ng hindi nakikilalang mga suspect ang isang lola matapos na pagnakawan, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktimang si Basilia Domanais, 67, ng 101 Makiling St., Group 2, Payatas B, sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan bukod pa sa pagkakasakal dito ng alambre.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-7:30 ng gabi sa sala ng bahay.

Ayon sa mister nito na si Herminio, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang iwan niya ang kanyang asawa upang pumasok sa trabaho at pagbalik niya kinagabihan ay nakita niyang nakahandusay ito at naliligo sa dugo.

Malaki ang paniwala ng pulisya, na pagnanakaw ang motibo sa isinagawang krimen makaraang matuklasang nawawala ang may P28,000 ng biktima at iba’t ibang uri ng alahas.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng mga suspect. (Doris Franche)

Show comments