Sinabi ni Supt. Arturo Paglinawan, hepe ng General Assignment Section at isa rin sa mga negosyador sa mga rali, na sasampahan nila ng kasong direct assault ang ilang mga raliyista sa Manila Prosecutors Office.
Naidokumento nila ang naganap na rali noong Martes kung saan nahuli sa akto ang isang lalaking demonstrador na pinapalo ang isang lady cop na natanggal pa ang helmet dahil sa lakas ng hambalos.
Nakunan rin ng larawan ang isa pang raliyista na binabangga ang panalag ng isa pang lady cop at tinangkang agawin ito sanhi upang masaktan ang babaeng pulis.
Sinabi ni Paglinawan na padadalhan rin nila ng naturang ebidensiya ang Commission on Human Rights (CHR) at kopya ng mga criminal complaint laban sa mga demonstrador.
Muli namang nagkabanggaan ang mga miyembro ng anti-riot police at mga militanteng estudyante na nagtangkang makalapit sa Mendiola na idineklara ng pamahalaang lungsod ng Maynila na "no rally zone".
Nagkaroon ng salpukan nang magmatigas ang mga raliyista na kusang nag-disperse nang bombahin na ng tubig sa may tapat ng University of the East hanggang sa maitaboy ang mga ito sa may Morayta. (Danilo Garcia)