Lasenggerong pulis binoga ang kapitbahay

Isa na namang bagitong pulis ang pinaghahanap ng batas matapos na barilin at mapatay nito ang isang kapitbahay habang nasa impluwensiya ng alak, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Namatay habang isinusugod sa Gat. Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Eugene Torres, bagger, ng Padre Rada St. Tondo.

Agad namang tumakas ang suspect na si PO1 Daniel Nadurata, 33, nakatalaga sa Regional Special Action Unit ng NCRPO sa Bicutan, Taguig.

Sa ulat ng pusliya, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng umaga sa harapan ng isang tindahan sa may Kagitingan St. Tondo kung saan nakikipag-inuman ang suspect.

Ayon sa asawa ng biktima na si Wilma Torres, 32, napadaan umano sila sa naturang inuman kung saan nakisuyo pa umano ang kanyang mister sa grupo ng pulis na makikiraan. Muli umanong lumabas ng bahay ang kanyang mister upang bumili ng almusal nang makarinig siya ng dalawang putok ng baril.

Nang lumabas siya ay nakita na niya na nakabulagta sa kalsada ang kanyang asawa habang nakatakas na ang naturang pulis.

Hinihinala na posibleng inalok ng tagay ng pulis ang biktima na tinanggihan nito kaya ito binaril ng una.

Ayon sa mga residente, kilalang maton umano sa lugar ang suspect at ugali nang uminom sa kalsada kahit na paumagahan kaya nagtataka sila kung bakit nakapasa ito bilang miyembro ng PNP.

Sinampahan ng kasong murder sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na si Nadurata. (Danilo Garcia)

Show comments