Ito ang naging babala ni Manila Police District Director Pedro Bulaong kaugnay ng mga paglahok ng mga pari at ilang taong-simbahan sa mga kilos-protesta na nananawagan sa pagpapatalsik kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni Bulaong na hindi nila bibigyan ng espesyal na pagtrato ang mga pari, madre at mga miyembro ng mga religious organization na sumasama sa mga kilos-protesta kapag nagpilit na pumasok sa Mendiola na itinakda nang "no rally zone".
Mapipilitan ding buwagin ang hanay at arestuhin ang mga taong simbahan kapag nanlaban sa mga anti-riot police sa bisa na rin ng CPR.
Maaari naman umanong magdaos ng rally ang mga ito kung sa itinakdang "freedom park" nila idaraos tulad ng Luneta, Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda.
Nauna nang nagpahayag ng intensyon ang tinatawag na "silent majority" ng Simbahang Katoliko sa paglahok sa mga kilos-protesta upang ipakita sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi sila sunud-sunuran sa pamahalaan. Kabilang sa mga personalidad ng simbahan na aktibo sa mga kilos-protesta ay sina Fr. Jose Dizon at running priest Fr. Robert Reyes. (Danilo Garcia)