Pulis-Crame nag-duelo: 1 sugatan

Nagmistulang war zone ang loob ng isang government housing, matapos na mag-duelo ang dalawang pulis-Crame dahil umano sa agawan sa pagmamay-ari ng isang unit dito, kahapon ng umaga sa San Andres, Maynila.

Nakilala ang mga nagbarilang pulis na sina PO3 Joaquin Posadas at PO3 Glen Lopez Bullecer, kapwa residente ng Bldg. 10 Zafari, Osmeña Highway, San Andres, Maynila.

Nabatid na kapwa nakatalaga ang dalawang pulis sa Police Security and Protection Office sa Camp Crame at magka-batch pa nang sumailalim sila sa recruitment training ng PNP.

Sa ulat ng MPD-Station 6 naganap ang barilan dakong alas-9:15 ng umaga sa ikalawang palapag ng naturang gusali. Base sa pahayag ng katulong ni Bullecer, pinasok umano sila ni Posadas sa tinutuluyang unit na armado ng baril kaya napilitang paputukan ito ng kanyang amo ngunit hindi tinamaan.

Gumanti naman ng putok si Posadas hanggang sa nagkahabulan pa ang dalawa at umabot sa ikalimang palapag ng gusali kung saan tinamaan si Posadas sa kaliwang kamay. Napigil lamang ang pagbabarilan ng dalawang pulis nang mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Unit ng Manila Police District na siyang umaresto sa dalawa.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nag-ugat ang away ng dalawa sa unit 508 sa naturang gusali na umano’y pag-aari ni Posadas at pinatirhan kay Bullecer. Mistulang inangkin na umano ni Bullecer ang naturang unit kaya ito pinaaalis na ni Posadas.

Sinabi naman ni Bullecer na pag-aari na umano niya ang naturang unit dahil sa siya ang nagbabayad ng buwanang amortisasyon nito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. (Danilo Garcia)

Show comments