Minura ang hepe, pulis sibak

Sinibak sa kanyang puwesto at sinampahan pa ng kasong administratibo ang isang pulis matapos na makipagmurahan sa kanyang hepe nang magsagawa ito ng inspeksyon sa checkpoint, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Mesa, Maynila.

Bukod sa pagkakasuspinde sa tungkulin, sinampahan pa ng kasong gross insubordination at conduct unbecoming ni MPD-Station 8 Commander Supt. Ferdinand Quirante si PO2 Erwin Payumo ng Police Community Precinct-Bacood.

Base sa ulat, nagsagawa ng sorpresang inspeksyon dakong alas-4 ng madaling-araw si Quirante sa itinatag na checkpoint sa R. Magsaysay Blvd., Sta. Mesa na pinamumunuan ni Payumo.

Sinabi ni Quirante na naabutan niyang paupu-upo lamang si Payumo nang kanyang maabutan habang ang mga kasamahan nito ay abala sa pagmamando sa checkpoint. Nang kanyang sitahin, sa halip na sumunod ay sinagot pa umano siya nito nang pabalang.

Dito na niya dinisarmahan si Payumo ngunit patuloy na pumalag at nagsisigaw.

Nagreklamo rin si Payumo sa MPD-General Assignment Section laban kay Quirante nang puwersahan umano siyang ipasok nito sa loob ng isang multi-cab at saka pinagmumura. (Danilo Garcia)

Show comments